-- Advertisements --

Nauwi sa biro ang isang bahagi ng pagdinig ukol sa flood control projects.

Sa gitna ito ng mainit na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sumingit sa seryosong usapan nang tanungin ni Senador Jinggoy Estrada ang kontratistang si Curlee Discaya kung may mga senador bang sangkot sa kontrobersyal na isyu.

Agad na sagot ni Discaya: “Wala po.”

Dito na biniro ni Committee Chairman Rodante Marcoleta si Estrada ng, “Safe ka na.”

Bagamat may halong biro, agad na humiling si Estrada na tanggalin sa opisyal na record ang naturang pahayag, bilang paggalang sa pormality ng pagdinig.

Una rito, ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na kawpa contractor, na sangkot sa daan-daang proyekto ng gobyerno, ay humarap sa Senado upang isiwalat ang umano’y malawakang korapsyon sa DPWH at Kamara.

Ayon sa kanila, napilitan silang makisali sa mga anomalous bidding at magbigay ng kickback sa ilang opisyal kapalit ng proyekto.

Sa kanilang testimonya, pinangalanan nila ang ilang mambabatas at DPWH personnel na umano’y humihingi ng 10% hanggang 25% na komisyon mula sa halaga ng proyekto.

Isa umano sa mga madalas banggitin sa mga transaksyon ay si Rep. Elizaldy Co, habang ilang pangalan ng mga mambabatas ay idinawit sa umano’y “menu-style” na alok ng proyekto.

Ang pahayag ni Curlee Discaya na walang senador ang sangkot ay isang mahalagang paglilinaw sa gitna ng mga lumalabas na pangalan sa Kamara.