-- Advertisements --

Inaasahan umanong maging produktibo ang nakatakdang biyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Sochi at Moscow, Russia sa darating na Oktubre 1 hanggang 6.

Sinabi ni DFA Assistant Secretary for European Affairs Ma. Amelita Aquino, tampok sa biyaheng ito ni Pangulong Duterte ang bilateral meeting kay Russian Federation Pres. Vladimir Putin kung saan tatalakayin ng dalawang lider ang pagpapalawak sa kooperasyon ng Pilipinas at Russia sa iba’t ibang areas.

Ayon kay Asec. Aquino, magpapalitan din ng pananaw sina Pangulong Duterte at Pres. Putin sa mga regional at global developments na nakakaapekto sa Pilipinas at Russia.

Matapos nito, sasaksihan din nina Pangulong Duterte at Putin ang paglagda ng ilang bilateral agreements partikular sa usapin ng kultura, kalusugan, basic research at iba pang areas of cooperation.

Ito na ang magiging ikaapat na meeting nina Pangulong Duterte at Putin.

Maliban sa bilateral meeting ng dalawang lider, dadalo rin si Pangulong Duterte sa Philippines-Russia Business Forum kung saan inaasahang hihikayat ng mga Russian investors na magnegosyo sa Pilipinas.