-- Advertisements --

Inamin ng Ukrainian forces na napasok na ng mga sundalo ng Russia ang eastern industrial region ng Dnipropetrovsk Oblast at sinusubukang makubkob ang lugar.

Ayon kay Victor Trehubov ng Dnipro Operational-Strategic Group of Troops, ito ang unang malawakang pag-atake na inilunsad sa rehiyon subalit nilinaw niyang natigil umano ang pag-abanse ng mga tropa ng Russia.

Base sa assessment ng Ukrainian DeepState mapping project, lumalabas na na-okupa na ng Russia ang dalawang villages sa loob lamang ng rehiyon, ito ay ang Zaporizke at Novohryhorivka.

Subalit itinanggi ito ng Ukrainian armed forces general staff at iginiit na patuloy nilang kontrolado ang Zaporizke at nagpapatuloy din aniya ang aktibong labanan sa naturang village.

Nagsimulang pasukin ng Russian forces ang lugar noong unang bahagi ng Hunyo habang sinusubukan ng mga ito na mas mapasok pa ang teritoryo ng Ukraine mula sa Donetsk Region.

Bago ang giyera, ang Dnipropetrovsk ay may mahigit 3 milyong populasyon at ikalawang pinakamalaking sentro ng heavy industry sa Ukraine kasunod ng Donbas.

Matatandaan, napaulat na handa si Russian President Vladimir Putin na waksan ang giyera sa Ukraine kung ipapasakamay ng Kyiv ang mga lugar sa Donetsk region sa Donbas.