-- Advertisements --

Nagpalitan ng malalaking drone attacks ang Russia at Ukraine nang magdamag nitong Linggo habang parehong gumagalaw sa larangan ng diplomasya kaugnay ng nakatakdang pagpupulong sa Alaska sa Biyernes sa pagitan nina U.S. President Donald Trump at Russian President Vladimir Putin.

Ayon sa Ukrainian Air Force, 100 Russian drones ang inilunsad, kung saan 70 ang na-intercept ng bansa.

Samantala, sinabi ng Russia na 126 Ukrainian drones ang kanila namang napabagsak.

Dahil dito pansamantalang sinuspinde ng Russia ang mga flight sa ilang paliparan sa Vladikavkaz, Grozny, Saratov, at Kaluga.

Isang tao din ang iniulat na nasawi at ilan ang nasugatan sa Saratov, kung saan tinamaan ng drone ang tinitirhan nito gayundin ang pagkasira ng isang oil refinery, ayon sa lokal na opisyal.

Kinumpirma naman ito ng Ukrainian General Staff, at sinabing target nila ang oil refinery na ginagamit ng Russian forces. Giit ng Ukraine, bahagi ito ng kanilang estratehiya para pahinain ang militar at ekonomiya ng Russia.

Ayon pa sa ulat na tumataas ang bilang ng drone attacks ng Ukraine nitong Agosto. Mahigit 1,117 drones na umano ang nasabat ng Russia ngayong buwan.

Sa kabilang banda, mas bumaba ang drone at missile attacks na tinatanggap ng Ukraine kumpara noong Hulyo, 2025.

Tumindig naman ang Ukraine laban sa mungkahing “swapping of territories” na binanggit ni Trump, na agad tinanggihan ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy.

Iginiit ng Kyiv na hindi sila bibitiw sa teritoryo, hindi rin tatanggap ng limitasyon sa kanilang militar, at hindi rin umano nito isusuko ang hangaring makapasok sa NATO at European Union.

Samantala, pumirma na ng joint statement ang mga lider ng France, Germany, U.K., at Poland bilang suporta sa Ukraine. Giit nila, ang anumang kapayapaan ay dapat may partisipasyon ng Ukraine, may ceasefire, at dapat igalang ang international borders.

‘The path to peace in Ukraine cannot be decided without Ukraine. We remain committed to the principle that international borders must not be changed by force. The current line of contact should be the starting point of negotiations,’ ayon pa sa pahayag ng Kyiv.