-- Advertisements --

Nangako si North Korean leader Kim Jong Un ng ”magandang buhay” para sa mga pamilya ng mga sundalong North Korean na nasawi habang nakikipaglaban para sa Russia sa digmaan laban sa Ukraine, ayon sa ulat ng state media ng North Korea.

Ginawa ni Kim ang pahayag matapos nitong makipagkita sa mga naiwang pamilya ng mga sundalo at ipinahayag ang kanyang kalungkutan sa pagkamatay ng mga ito.

‘They did not write even a short letter to me, but I think they must have entrusted their families, including those beloved children, to me,’ ani Kim.

Ipinakita rin sa state television ng North Korea na lumuhod pa sa harap ni Kim ang mga naiwang pamilya ng mga sundalo na labis ang pagdadalamhati.

Ayon sa isang dokumentaryo na ipinalabas ng North Korea, sumali ang kanilang mga tropa sa tinatawag na “Operation Kursk Liberation” upang itaboy ang mga pwersa ng Ukraine mula sa rehiyong Kursk ng Russia. Bagama’t hindi pa nabeberipika ng mga independent agency ang mga eksenang ipinakita sa dokumentaryo.

Ngunit kinumpirma rin ng ulat na ipinadala ni Kim ang mga sundalo sa Russia noong Agosto 2024, dalawang buwan matapos siyang lumagda ng kasunduan sa depensa kasama si Russian President Vladimir Putin.

Kung saan umabot sa tinatayang 600 sa 15,000 North Korean troops ang napatay, ayon sa intelligence ng South Korea. Mas mataas naman ang tantiya ng Western intelligence na umabot na sa 6,000 ang kabuuang casualties.

Sa ngayon nakatakda muling magkita sina Kim at Putin sa China sa susunod na linggo sa isang military parade bilang paggunita sa pagtatapos ng World War II.