-- Advertisements --

Kinumpirma ng mga opisyal ng Ukraine na isang malawakang missile at drone attack ang tumama sa Kyiv at iba pang bahagi ng bansa nitong gabi ng Agosto 28, kung saan 18 katao ang nasawi, kabilang ang apat na bata, at 48 ang nasugatan.

Ayon sa Kyiv City Military Administration, 31 missiles at 598 drones ang inilunsad ng Russia. Karamihan sa mga ito na-intercept ng Ukraine —563 drones at 26 missiles.

Malawak ang pinsala sa mga gusali, paaralan, at imprastruktura sa limang distrito ng Kyiv, ayon kay Mayor Vitali Klitschko.

Tinawag ni Ukranian President Volodymyr Zelenskyy ang pag-atake bilang sagot ng Russia sa panawagan ng mundo para sa tigil-putukan at diplomasya.

Aniya, pinipili ng Russia ang karahasan kaysa sa negosasyon, at binigyang-diin ang pangangailangan ng mas mahigpit na international sanctions laban sa Moscow.

Nasira rin ang gusali ng European Union mission sa Kyiv, ayon sa Foreign Minister ng Ukraine.

Wala namang naiulat na nasaktan sa nasabing gusali, ngunit kinondena ito ng mga lider ng EU bilang sinadya umano ang pag-atake ng Russia.

Giit ng European leaders, hindi matitinag ang suporta ng EU para sa Ukraine.