-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Pilipinas sa ika-80 sesyon ng United Nations General Assembly (UNGA) sa pamamagitan ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro ang paninindigan ng Pilipinas sa pagpapanatili ng kaayusang nakabatay sa batas, sa gitna ng patuloy na agresyon ng China sa West Philippine Sea.

Binigyang-diin ni Lazaro na ang pandaigdigang kaayusan ay dapat nakaugat sa international law at sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay ng mga estado. 

Tinuligsa rin ng kalihim ang mga ilegal at mapanganib na aksyon ng Chinese Coast Guard laban sa mga barko ng Pilipinas, kabilang ang insidente noong Hunyo 17, 2024 kung saan sinasabing ginamitan ng water cannon, rammed maneuvers, at armas ang mga Pilipino sa Ayungin Shoal.

Sa kabila nito, iginiit ni Lazaro na nananatiling kalmado at nakatuon ang Pilipinas sa mapayapang resolusyon ng mga sigalot, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award.

Bukod sa isyu ng West Philippine Sea, binigyang-pansin din ni Lazaro ang mga pangunahing adbokasiya ng bansa sa larangan ng climate resilience, sustainable development, at proteksyon sa overseas Filipino workers. Aniya, ang mga ito ay bahagi ng mas malawak na commitment ng Pilipinas sa global cooperation at multilateral diplomacy.

Sa harap ng mga kinatawan ng iba’t ibang bansa, nanawagan si Lazaro sa international community na manindigan laban sa mga paglabag sa maritime law at suportahan ang mga bansang patuloy na humaharap sa banta ng panggigipit at agresyon.

Ang talumpati ni Lazaro ay bahagi ng mas pinalakas na foreign policy stance ng administrasyon, na layong ipagtanggol ang soberanya ng bansa habang aktibong nakikilahok sa mga pandaigdigang usapin.