Isang “full-blast” RP-US Balikatan Exercise ang pinaghahandaan ngayon ng AFP at ng US military para sa susunod na taon.
Ito ang kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, na isa sa mga napag-usapan nang bumisita sa kanya ang commander ng US Indo-Pacific Command si Adm. John C. Aquilino.
Sinabi ni Lorenzana na dahil sa pandemya, hindi nangyari noong nakaraang taon ang malalaking war games na tulad ng ginagagawa sa mga nakalipas na taon.
Pero tuloy-tuloy naman aniya hanggang sa Nobyembre ang mga maliliit na ehersisyo sa pagitan ng Philippine at US navy, army, air force at marines.
Ayon sa kalihim kung tuluyang nabasura ang Visiting Forces Agreement (VFA), mawawala na ang taunang ehersisyo sa pagitan ng AFP at kanilang mga US counterparts gaya ng Balikatan exercise.
Malaking tulong at maganda para sa Pilipinas ang mga joint exercises, dahil dito nagkakaroon ng karanasan ang mga sundalong Pilipino sa mga makabagong kagamitan ng US at pagkakaon din para masubukan ang mga gamit na maaring bilhin ng AFP.
Nangako ang Amerika na tulungan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang modernization program lalo na ang pagbili ng mga makabagong kagamitan.
Ayon naman kay Lorenzana, napakamahal ng mga equipment ng US at hindi kaya ang budget nila kaya ang ginagawa ngayon ng Pilipinas ay naghahanap ng similar equipment sa ibang bansa gaya ng mga aircraft.
Sa pagbisita ni Admiral Aquilino, nangako din ito na ipagpapatuloy ng Amerika ang kanilang pagpapatrulya sa West Phl Sea para mapigilan ang pagiging agresibo ng China sa nasabing rehiyon.