Binatikos ni dating senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil sa umano’y kabiguan nitong mag-imbestiga kina Davao City Rep. Paolo Duterte at Senador Bong Go kaugnay sa mga alegasyon ng korapsiyon na may kinalaman sa mga proyekto ng flood control.
Sa isang post sa social media nitong Sabado, sinabi ni Trillanes na dapat “magsara na” ang ICI kung patuloy nitong babaliwalain ang mga alegasyon laban sa Kongresista at Senador.
Ayon kay Trillanes, si Duterte ay hindi dumaan sa mga imbestigasyon kahit na mayroong P51 billion na nakatenggang budget insertions, samantalang si Go naman daw ay hindi man lang pinatawag sa kabila ng mga alegasyong kinasasangkutan ng kanyang pamilya sa mga kontratang nagkakahalaga ng milyong piso mula sa gobyerno.
‘Kung hindi rin lang naman iimbestigahan ng ICI si Pulong na hindi sumipot sa hearing kasi meron syang 51 bilyon insertions; at si Bong Go na hindi man lang pinatawag kahit sya ay nagbigay ng almost 200 contracts worth 7 bilyon sa tatay at kapatid nya, eh tama lang na MAGSARA NA KAYO!’ ani Trillanes.
Magugunitang noong Oktubre, ini-highlight ni Trillanes ang mga pahayag ng isang dating opisyal mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagsabing natanggap ng distrito ni Duterte ang P51 billion na alokasyon para sa flood control projects at hinimok ang mga imbestigador na sundan ang “paper trail” ng mga pondo.
Inisa-isa rin ni Trillanes ang mga reklamo na kanyang isinumite sa Office of the Ombudsman laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at kay Senador Go, na nag-aakusa sa kanila ng plunder at graft.
Isiniwalapat pa noon ni Trillanes, na ang mga kumpanya na pag-aari ng pamilya ni Go ay nakakuha ng halos P7 billion na kontrata mula sa mga proyekto ng DPWH sa loob ng ilang taon, na may kabuuang 200 proyekto. Aniya, ang pagbigay ng kontrata sa mga malalapit na kamag-anak ay labag sa batas.
Samantala, una nang itinanggi ni Cong. Paolo ang anumang pagkakadawit nito sa alegasyon ni Trillanes at tinawag ang ICI bilang isang “propaganda factory” ng pamahalaan.
















