-- Advertisements --

Kung si Vice Pres. Leni Robredo raw ang tatanungin, panahon para ipatupad ng mga kompanya ang “work from home” arrangement dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.

Sa isang video message, sinabi ni Robredo na hindi sapat measure na “four-day workweek para maibsan ang banta ng pagkalat ng sakit.

“Panahon nang ipatupad ang areglong work-from-home. Huwag na nating ipilit pumasok pa sa opisina ang ating mga empleyado, maliban na lang ang mga nakatutok sa pagpapaabot ng kaukulang serbisyo na maaaring umampat sa pagkalat ng virus,” ayon sa bise presidente.

“Kung talagang kailangan, magpatupad na lamang tayo ng skeletal staffing sa ating mga tanggapan. Walang dahilan na maibilad pa sa peligro ang sino man, lalo pa’t may dalang dagdag na panganib para sa lahat ang bawat bagong makakasagap ng sakit na ito.”

Iginiit ng pangalawang pangulo ang payo ng mga eksperto hinggil sa social distancing bilang pinaka-mabisang paraan para maiwasan ang pagkakahawa ng virus.

“Paraan din ito para hindi ma-overload ang ating mga sistemang pangkalusugan. Bawat sandaling mapabagal ang pagkalat ng virus ay sandaling naibibigay natin sa mga eksperto upang makahanap ng bakuna at lunas sa sakit na ito.”