-- Advertisements --

Dapat umanong suspendihin ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sangkot sa sinasabing katiwalian sa loob ng ahensya.

Ito ang rekomendasyon ni Vice President Leni Robredo, sa gitna ng umiingay pang issues ng korupsyon sa pondo ng state health insurance.

Para kasi sa pangalawang pangulo, bibigyan ng suspensyon nang pagkakataon ang mga otoridad ng tutok na imbestigasyon ang alegasyon.

“Ganoon naman iyong nangyayari, ‘di ba? Kapag may ongoing investigations, iyong mga people responsible ay dapat sana ma-suspend muna, para hindi ma-compromise iyong integrity ng investigations,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio show.

“Sana iyon ‘yung gawin to show na seryoso tayo na sugpuin ang corruption. Kasi yung may hawak ng dokumento nandyan pa.”

Kinalampag ng bise ang anti-corruption bodies na dapat daw ay matagal nang kumilos sa kontrobersya.

“Eh diba meron tayong mga anti-corruption bodies, diba dapat ito yung mga naaamoy nila? Na hindi na dapat hinihintay na lumala pa yung sitwasyon?”

Sa pagdinig ng Senado at Kamara kamakailan, lumutang ang umano’y pagbulsa ng ilang PhilHealth officials sa P15-bilyong pondo.

Mismong ang chairman at CEO nilang si retired B/Gen. Ricardo Morales ang nag-apruba sa endorsement ng maanomalyang budget para sa IT equipment at software.

Nag-utos na si Pangulong Rodrigo Duterte ng imbestigasyon sa pamamagitan ng pinabuong “Task Force PhilHealth.”