-- Advertisements --

Pag-aaralan pa ng gobyerno ang rekumendasyon na bawasan ang oras ng pamamasada ng mga driver ng public utility bus.

Ito’y matapos maiulat ang magkakasunod na incidente na vehicular accident na ikinasawi ng ilang mga indibidwal.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, lubos na ikinalungkot ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang naitalang aksidente.

Dahil dito kaniyang ipinag-utos kay Transportation Secretary Vince Dizon na gumawa ng hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero habang nasa biyahe.

Ayon kay Castro, inirerekomendang ibaba sa apat na oras, mula sa anim na oras, ang haba ng oras ng pamamasada ng mga PUV bus drivers.

Maaari kasi aniyang makaapekto sa kapasidad sa pagmamaneho ng mga bus drivers kung lagpas sa itinakdang oras ang tagal ng kanilang pamamasada sa kalsada.

Pinayuhan din ni Castro ang iba pang motorista na maging responsable, at huwag magmaneho nang puyat o lasing dahil nakasalalay sa kanila, hindi lang ang kaligtasan ng mga pasahero, kundi pati ng mga pedestrian.

Tiniyak naman ni Castro na ikokonsidera sa rekomendasyon ang pag-aaral sa posibleng maging epekto sa kabuhayan ng mga maaapektuhan bus drivers.

Binigyang-diin ni Castro na dapat din isa-alang alang ang economic impact nito sa mga drivers.