Nakabalik na sa Pilipinas ang isang Filipino nurse assistant matapos maaresto at masangkot sa kasong assault sa New Jersey, ayon sa Philippine Consulate sa New York.
Kinumpirma ng Assistance to Nationals section ng konsulado na na-deport si Denmark Francisco alinsunod sa kautusan ng U.S. Immigration Court. Personal siyang dinalaw ni Consul General Senen Mangalile sa Immigration and Customs Enforcement (ICE) detention facility sa Massachusetts upang tingnan ang kanyang kalagayan.
Si Francisco at isa pang Pilipino, si Jovi Esperanza, ay inakusahan ng pananakit sa isang 52-anyos na lalaking pasyente sa isang rehabilitation facility.
Ayon sa ulat, kritikal ngunit stable ang kondisyon ng biktima matapos ang insidente.
Matapos makulong sa Ocean County Jail nang ilang linggo, inilipat ang dalawa sa kustodiya ng U.S. Immigration and Customs Enforcement (ICE). Si Esperanza ay boluntaryong nagpa-deport noong Pebrero.
Depensa ng dalawang Pinoy, sila raw ay nag-self-defense matapos umanong atakihin ng pasyente nang sitahin nila ito sa paninigarilyo sa loob ng pasilidad. (report by Bombo Jai)