-- Advertisements --

Umapela si Diocese of Antipolo Bishop Ruperto Santos sa mga mananampalatayang Katoliko na manalangin at magkaisa sa harap ng napipintong pagpili ng susunod na Santo Papa.

Giit ni Bishop Santos na kailangan ngayon ng mga kardinal ng sapat na lakas at inspirasyon sa kanilang pagharap sa papal conclave upang maayos na makapili ng susunod na magiging lider ng Simbahang Katolika.

Apela ni Bishop Santos sa mga mananampalataya na ipanalangin ang mga cardinal upang gabayan sila ng Holy Spirit sa kanilang isasagawang deliberasyon upang makapili ng lider na magbubuklod at gagabay sa simbahan nang may pagmamahal at kababaang-loob.

Nawa’y maging bukas din aniya ang puso ng mga kardinal upang tanggapin ang kagustuhan ng Diyos at ang kanilang desisyon ay miging daan upang magkaroon ng lider ang simbahan na may lakas na pangunahan ang misyon nitong ebanghelisasyon sa buong mundo.

Hinimok din ni Bishop Santos ang bawat isa na buksan ang puso para sa susunod na Santo Papa na gagabay sa simbahan.

Aniya, dapat ay magtiwala sa divine plan ng Diyos kasabay ng panibagong yugto sa paglalakbay ng Simbahang Katolika.

Una nang itinakda ng Vatican ang pagsisimula ng paghalal sa susunod na Santo Papa sa Mayo-7.

Nitong April 26 nang inihatid ang namayapang si Pope Francis sa kaniyang huling hantungan, kasunod ng kaniyang pagpanaw noong Abril-21.