-- Advertisements --

MANILA – Dumepensa ang kampo ni Vice President Leni Robredo matapos pumalag ang Malacañang sa panawagan ng pangalawang pangulo na maging mas agresibo pa ang pamahalaan sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Sa isang statement, sinabi ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, na tila nasanay na ang gobyerno na gawing rason ang pulitika tuwing may mga lumalabas na pag-aaral tungkol sa mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan laban sa pandemya.

Noong Enero nang lumabas sa pag-aaral ng Australian-based research firm na Lowy Institute, na ika-79 mula sa 98 bansa ang Pilipinas pagdating sa coronavirus response.

Ayon naman sa London-based na Economist Intelligence Unit, sa taong 2023 pa mababakunahan ng bansa ang 60% ng populasyon.

“These are independent, objective assessments of our performance in managing the Covid-19 crisis, and should provide us with both means and motivation to identify gaps in our current policy and improve our overall response,” ani Gutierrez.

“Sec Roque’s reaction is typical: walang problema, walang dapat ayusin, namumulitika lang lahat.”

Nitong araw nang sumagot si Roque sa pahayag ni Robredo na nagsabing dapat tugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng publiko, imbis ang umano’y mga propaganda.

“Huwag na tayo sa propaganda. Iyong response dapat, tinutugunan kung paano mare-resolve nang mas maaga. Kasi mas matagal iyong ganito, mas marami tayong mga kababayan na maghihirap,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

“Ma’am, hindi po propaganda ang World Health Organization. Baka magalit ang WHO dahil sa sinasabi niyo, nagpapakalat ng propaganda. Bakit namin paniniwalaan ang ibang pag-aaral eh samantalang tayo, nagtitiwalang lahat sa WHO?,” sagot ni Roque.

Ayon kay Gutierrez, malinaw na may basehan ang mga pag-aaral dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.

Binigyang diin ng vice presidential spokesperson ang malaking numero ng mga tinamaan ng COVID-19, sa kabila ng halos isang taon nang pagpapatupad ng lockdown.

Pati na ang milyon-milyong nawalan ng trabaho at pagbagsak ng ekonomiya.

“Kung sa kabila ng lahat ng ito, naniniwala pa rin ang administrasyon na walang problema, baka yun mismo ang problema.”

“Pakiusap lang namin, makinig naman sila. Hindi ito pulitika, buhay at kabuhayan ito ng ating mga kababayan.”