-- Advertisements --
cacdac

Pino-proseso na ng Department of Migrant Workers(DMW) ang repatriation request ng 35 mga OFWs na nakabase sa Lebanon.

Ito ang kinumpirma ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac.

Ayon kay Cacdac, humiling ng repatriation ang mga naturang Pinoy matapos maramdaman ng mga ito ang banta ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Israel, na posibleng aabot sa lugar kung saan sila nagtatrabaho.

Ayon kay Cacdac, kailangan ng maayos na pakikipag-usap ng mga OFWs na nakabase sa Lebanon sa kanilang employers upang maaari pa rin silang makabalik kapag nanaising bumalik, oras na naging normal na ang sitwasyon.

Paliwanag ni Cacdac, karamihan sa mga OFWs na nasa Lebanon ay nagtatrabaho bilang mga domestic helpers, hindi katulad sa Israel na karamihan ay mga caregivers.

Ibig sabihin, kailangan umanong isa-isang makipag-usap ang bawat pinoy worker sa Lebanon sa kanilang mismong employer.

Sa kasalukuyan, mayroon nang sampung Pinoy na nakabase sa Lebanon ang nakabalik sa Pilipinas.

Unang dumating ang apat noong nakalipas na Sabado habang kahapon ay anim ang karagdagang nakabalik.

Sa kabuuan, 185 repatriation request ang natanggap na ng Embahada ng Pilipinas mula sa mga Pinoy workers sa Lebanon.