-- Advertisements --

Walang nakikitang paglabag si House Committee on Health chairman Angelina Helen Tan sa pagpapaturok niya ng Sinovac COVID-19 vaccine kamakailan sa Veterans Medical Memorial Center (VMMC).

Sa mensaheng ipinadala nito sa Bombo Radyo, sinabi ni Tan na siya ay nabakunahan dahil siya ay isa ring doktor at hindi lang dahil siya ay ina ng isa ring medical frontliner.

Bilang isang mambabatas, at isa ring doktor, bahagi aniya ng kanyang trabaho sa gitna ng pandemya ay ang magsagawa ng rounds at magbigay ng libreng consultations sa mga may sakit.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., papaimbestigahan ang pagtuturok ng Sinovac COVID-19 vaccine kay Tan bilang dependent ng isang healthcare worker .

Sinabi ni Galvez na wala namang direktiba ang national government sa ngayon na nagpapahintulot sa pagbakuna sa mga dependents ng health workers.

Sinabi ni Tan na maaring ang kinukuwestiyon ni Galvez ay ang polisiya ng VMMC at hindi ang kanyang pagpapaturok mismo.

Dagdag pa ng kongresista, mismong si Health Sec. Francisco Duque III na ang nagsabi na kahit ang mga alkalde na pawang mga doktor rin ay maari ring magpabakuna kontra COVID-19.