-- Advertisements --

Buong suporta ang ipinahayag ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa mga unang hakbang ni bagong PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., lalo na sa pagbawi ng malawakang reshuffle ng mga opisyal na ipinatupad sa ilalim ni Gen. Nicolas Torre III.

Pinuri ni NAPOLCOM Vice Chairperson Ralph Calinisan si Nartatez sa pagpapatupad ng Resolution No. 2025-0531 na nilagdaan nina DILG Secretary Remulla at iba pang commissioners.

Ayon kay Calinisan, ipinapakita ng hakbang ni Nartatez ang respeto sa mga institusyon at sa prinsipyo ng checks and balances sa ilalim ng Konstitusyon.

Sinabi rin ni Calinisan na ang NAPOLCOM ay nagbibigay ng 100% suporta sa pamumuno ni Nartatez, na itinuturing niyang pinakamahusay na pagpili bilang PNP Chief.

Tinanggap din ng NAPOLCOM ang desisyon ni Nartatez na alisin si P/BGen. Jean Fajardo bilang tagapagsalita ng PNP, dahil hindi ito naka-assign sa tamang opisina.

Binibigyang-diin ng NAPOLCOM na layunin ng resolusyon ang pagpapanumbalik ng kaayusan at tamang istruktura ng pamumuno sa loob ng PNP matapos ang pagbabago sa liderato.