-- Advertisements --

Matapos ang mga maaanghang na pahayag at kontrobersiyang bumalot sa pagitan ng dalawang opisyal, isang larawan ibinahagi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nagpapatunay na nagkabati na sila ni Leyte 4th District Representative Richard Gomez.

Kalakip ng larawan ang mensaheng: “Despite the noise and accusations, true friendships remain.”

Matatandaang kamakailan ay naglabas ng patutsada si Gomez sa isang “nagmamalinis na alkalde” na umano’y ginagamit ang isyu ng korapsyon upang siraan ang mga kongresista at pagandahin ang sariling imahe.

Bagaman walang direktang binanggit na pangalan, naniniwala si Magalong na siya ang pinatutungkulan, lalo’t naging vocal siya sa mga anomalya sa flood control projects na may kaugnayan sa ilang mambabatas.

Sa panayam, inamin ni Magalong ang kanyang pagkabigla sa pahayag ni Gomez.

“Nalulungkot ako dahil kaibigan ko siya. Honorary member pa nga siya ng klase namin,” ani Magalong.

Dagdag pa niya, malinaw sa kanyang mga panayam na hindi lahat ng kongresista ay sangkot sa katiwalian, at may mga gumagawa ng tama.