Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Senador Bong Go kaugnay ng karumal-dumal na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte. Sa kanyang pahayag, nagpaabot siya ng pakikiramay sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga nasawi at nasugatan sa insidente.
Ayon kay Go, bilang isang magulang, napakasakit tanggapin ang trahedyang ito lalo na’t mga kabataan ang naging biktima.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Youth, nanawagan siya sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng agarang at masusing imbestigasyon kung paano nakapasok ang baril na ginamit ng mga suspek na pawang menor de edad.
Binanggit din ng senador na ang mga paaralan ay dapat maging “zones of peace and learning,” at nakababahala na ang mga estudyante ay nalalagay sa panganib imbes na makapagpokus sa kanilang pag-aaral. Dagdag pa niya, mas nakakaalarma ang ulat na ang mga suspek mismo ay mga kabataan.
“Tututukan ko ang isyung ito. Kung merong dapat ayusin sa mga kasalukuyang batas, katulad ng Juvenile Justice and Welfare Act, ayusin na natin ngayon. Huwag na nating hintayin pang merong panibagong trahedya na naman,” ani Go.
Samantala, tiniyak ng senador na bukas ang kanyang tanggapan upang makapagbigay ng tulong sa mga magulang at kabataang apektado ng insidente.
Ipinagdarasal din umano niya ang kapayapaan ng mga nasawi at ang paggaling ng mga sugatan at nakaranas ng trauma.















