-- Advertisements --

Iniulat ng National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC) na pumalo na sa mahigit 50,000 indibidwal o katumbas ng mahigit 11,000 pamilya ang naapektuhan sa iba’t ibang rehiyon sa bansa bunsod ng mga pag-ulang dulot ng bagyong Isang bago tuluyang lumabas ng bansa kaninang umaga gayundin dahil sa epekto ng habagat.

Base sa datos ng ahensiya, naapektuhan sa kalamidad ang mga residente sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR), Bicol Region, Soccsksargen, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakapagtala ng pinakamaraming apektadong indibidwal na umabot sa mahigit 5,000 pamilya.

Sa ngayon, mayroong mahigit 1,200 indibidwal ang nanunuluyan sa mga evacuation center habang mahigit 24,000 indibidwal naman ang lumikas pansamantala sa ibang lugar.

Sa monitoring din ng ahensiya, humupa na ang baha sa 27 lugar sa Metro Manila habang 3 ang nananatiling lubog sa baha sa BARMM.

Mayroong dalawang kabahayan naman ang bahagyang nasira sa CAR at Soccsksargen dahil sa epekto ng bagyong Isang at habagat.

Kaugnay nito, naghatid na ng kinakailangang tulong ang pamahalaan para sa mga biktima ng kalamidad.