-- Advertisements --

Walan tigil ang paghahatid ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ating mga kababayan na labis na naapektuhan ng malakas na pag-ulan na dala ng Bagyong Isang at ng Habagat.

Base sa datos na inilabas ng DSWD, hanggang ika-24 ng Agosto, umabot na sa higit sa ₱2-milyong halaga ng humanitarian assistance ang naipamahagi ng ahensya sa mga pamilya at indibidwal na nasalanta ng bagyo at habagat.

Ang tulong na ito ay naglalayong tugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan at suportahan ang kanilang pagbangon mula sa kalamidad.

Kabilang sa mga tulong na ipinamamahagi ay ang family food packs na naglalaman ng mga pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan para sa mga pamilyang pansamantalang naninirahan sa mga evacuation center.

Ang mga food packs na ito ay mahalaga upang masiguro na may sapat na pagkain ang mga pamilyang lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa baha at iba pang panganib na dulot ng bagyo.

Sa pinakahuling datos na nakalap ng DSWD, umabot na sa halos 4,000 pamilya o mahigit sa 14,000 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa iba’t ibang rehiyon ng bansa tulad ng CAR (Cordillera Administrative Region), Cagayan Valley, Bicol Region, Western Visayas, at Negros Island Region.

Ang mga rehiyong ito ay nakaranas ng matinding pagbaha at pagkasira ng mga ari-arian dahil sa malakas na ulan at hangin.

Kaugnay nito, bumaba na ang bilang ng mga pamilyang nananatili sa mga evacuation centers. Sa kasalukuyan, dalawang pamilya na lamang o 8 indibidwal ang nananatili pa sa mga evacuation centers, habang ang iba ay unti-unti nang nakababalik sa kanilang mga tahanan.

Patuloy naman na tinututukan ng DSWD ang kanilang kalagayan at tiniyak na may sapat silang suporta habang sila ay nagbabalik-loob sa kanilang mga komunidad.