LAOAG CITY – Aminado si Ilocos Norte First District Rep. Sandro Marcos na nasasaktan pa rin siya sa mga nangyayari lalo na sa kanilang pamilya.
Ayon kay Marcos, nalulungkot at nasaktan siya lalo’t kasinungalingan umano ang mga binitawang salita ni Sen. Imee Marcos laban sa kanyang ama na si Pang. Bongbong Marcos.
Ganunpaman, sinabi nito na kahit ganito ang mga nangyayari sa kanilang pamilya at sa bayan ay nakatutok pa rin siya sa kanyang trabaho.
Iginiit nito na hindi pulitika ang kanyang trabaho kaya’t tuloy-tuloy parin ang kanyang pagbibigay ng serbisyo.
Sa isyu naman ng budget insertions kung saan inakusahan siya ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, sinabi ni Cong. Marcos na wala siyang itinatago at handing humarap sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure.
Nakumusta rin si Pang. Marcos sa kanya at sinabi ni Cong. Sandro na matapang ang presidente ngunit hindi niya itinatanggi na malungkot rin sa mga nangyayari.
Samantala, tumangging magkomento si Cong. Marcos nang matanong kung kumusta ang relasyon niya sa kanyang mga pinsan na anak ni Sen. Imee dahil pribadong usapin na umano ito.
Ganunpaman, sinabi niyang mahal na mahal niya ang kanyang mga pinsan at nagka-usap sila ni Vice Gov. Matthew Marcos Manotoc ngayong araw.
Si Cong. Sandro ay nasa Ilocos Norte dahil sa isinagawang pagturn-over ng mga kagamitan sa Philippine National Police.















