-- Advertisements --

Dedma si Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon sa umano’y cyber libel na ihahain ng actress-comedian na si Pokwang matapos ang viral na road rage incident sa Antipolo City na kinasangkutan ng kapatid nito na si Carlo Subong.

Matatandaan na naglabas si Pokwang ng video apology noong Martes, Disyembre 16, para sa insidente, ngunit binatikos din niya ang isang mambabatas na umano’y nag-post ng mga larawan ng kanyang pamilya online.

Buwelta ni Ridon, malinaw na siya ang tinutukoy ng komedyante sa video at itinanggi niya ang paratang, iginiit na ang mga larawan lamang ni Carlo Subong na sangkot sa insidente ang kanyang ibinahagi.

Sinabi pa ng mambabatas na may karapatan ang publiko na malaman ang pagkakakilanlan ng isang taong umano’y gumawa ng krimen, at iginiit na si Carlo Subong, hindi si Pokwang, ang dapat humingi ng paumanhin sa mga sangkot na biktima at sa publiko.

Dagdag pa ni Ridon, ang mga larawang ibinahagi at ang show-cause order ng Land Transportation Office ay mga public document. Aniya, gagamitin ng Kongreso ang oversight powers nito upang matiyak ang permanenteng pagbawi ng lisensya ng driver at itulak ang pagsasampa ng mga kasong kriminal, kabilang ang grave threats, physical injuries, at child abuse.