-- Advertisements --

Ipinagpaliban muna ng Land Transportation Office (LTO) ang pagbabawal sa e-bikes at e-trikes sa mga pangunahing kalsada at national highways hanggang sa Enero 2, 2026.

Ang desisyon ay bunga ng mga hinaing petisyon ng mga may-ari ng light electric vehicles (LEVs) na nakarating kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nag-utos kay Transportation Secretary Giovanni Lopez na ipagpaliban ang planong impound ng LTO.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, pansamantala munang hindi magsasagawa ng impounding operation habang nagpapatupad ng information drive ang ahensya upang ipaliwanag ang tamang paggamit ng LEVs sa publiko.

Bukod dito magiging visible din ang LTO personnel sa kalsada para magbigay ng gabay patungkol sa ipapasang regulasyon.

Sinabi ni Lacanilao na simula Enero 2 sa susunod na taon, sisimulan nila ang mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal sa mga LEV kabilang ang apprehension at impounding para sa mga lalabag.

Binanggit din niya na layunin ng LTO na tiyakin ang kaligtasan ng mga mananakay sa kalsada at malinaw na pananagutan ng mga LEV riders.