-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Land Transportation Office (LTO) na magpaliwanag ang may-ari ng Toyota Prado na lumabas sa viral na video na nagpakita ng masamang hand gesture o “F word” sa isang road rage incident.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, inilagay na sa alert ang sasakyan at nakatanggap na ng show cause order (SCO) ang rehistradong may-ari nito, na residente ng Makati City.

Nilinaw ni Mendoza na hindi pa tiyak kung siya ang nagmamaneho noong insidente, kaya’t itatakda ang isang pagdinig sa Agosto 28 para alamin kung sino talaga ang driver.

Kapag napatunayan ng ahensya, papatawan ang kanyang lisensya ng 90-day preventive suspension dahil sa reckless driving at pagiging “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”

Pinayuhan ng LTO ang mga motorista na manatiling kalmado sa kalsada at iwasan ang road rage dahil ito ay maaaring magdulot ng malalang aksidente at pag-aresto.