-- Advertisements --

Kinansela na ng Land Transportation Office (LTO) ang mga driver’s license ng dalawa pang empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH), matapos silang mapatunayang gumagamit ng mga pekeng lisensya.

Ito ay isang mahigpit na aksyon na isinagawa ng LTO upang mapanatili ang integridad ng sistema ng paglilisensya at protektahan ang publiko mula sa mga indibidwal na nagtatangkang lumabag sa batas.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang mga indibidwal na ito ay kinilalang sina Jaypee de Leon Mendoza at Arjay Salvador Domasig.

Bukod sa pagkansela ng kanilang mga lisensya, pinagmulta rin sila ng tig-P3,000 bawat isa.

Ang multa ay ipinataw bilang parusa sa kasong Imitation and False Representation, alinsunod sa mga probisyon ng Land Transportation and Traffic Code.

Binigyang-diin ni Asec. Mendoza na ang paggamit ng mga pekeng lisensya ay isang malinaw na paglabag sa tiwala na ibinigay ng pamahalaan sa mga lisensyadong driver.

Dagdag pa niya, ang ganitong gawain ay nagdudulot ng banta sa kaligtasan ng publiko, dahil ang mga gumagamit ng pekeng lisensya ay maaaring hindi sumunod sa mga kinakailangang pagsasanay at pagsusuri upang maging kwalipikadong driver.

Sa pamamagitan ng isinagawang imbestigasyon, natuklasan na ang dalawang empleyado ng DPWH ay gumamit ng mga pekeng lisensya upang makapasok sa iba’t ibang casino.

Sa kanilang depensa, unang itinanggi nina Mendoza at Domasig na sila mismo ang nag-apply para sa mga pekeng lisensya.

Gayunpaman, inamin ni Domasig na kinuha ang kanyang ID at litrato noong bumisita siya sa isang casino kasama ang apat pang opisyal ng DPWH.