Pinasisibak sa puwesto ni Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang dalawang empleyado at isang guwardiya ng ahensya matapos silang ireklamo ng mga jeepney driver at operator dahil umano sa pangongotong.
Personal na kinausap ni Lacanilao ang mga complainant noong Biyernes, Disyembre 5, kung saan direkta nilang itinuro ang mga LTO personnel at guwardiya na humingi umano ng pera kapalit ng pagpasa sa examination matapos ang kanilang seminar sa traffic safety division. Ang mga nagreklamo ay kabilang sa mga driver na na-impound ang mga sasakyan dahil sa paglabag sa batas-trapiko.
Ikinagalit ni Lacanilao ang insidente at inatasan ang LTO Intelligence and Investigation Division na imbestigahan ang mga sangkot at tukuyin ang mga posibleng kasong isasampa.
“Bakit ang lakas ng loob n’yong gumawa ng ganyan? Ano, naglolokohan na lang tayo dito?” mariing tanong ni Lacanilao sa mga personnel na inireklamo.
Giit pa niya, magsasampa siya ng administratibo at kriminal na kaso laban sa mga sangkot na empleyado at guwardiya.















