-- Advertisements --

Usap-usapan ngayon sa Amerika ang umano’y rekomendasyon ng White House corona virus task force para sa 18 mga estado na pigilan muna ang pagpapatupad ng reopening measures.

Ang hakbang ay bunsod daw ng halos araw-araw na record breaking na naitatala sa bilang ng mga bagong kaso na nahawa sa COVID-19.

Kabilang umano na hinihiling ay ‘wag munang ipatupad ang reopening kasama ang mga hard hit na lugar na California at Florida.

Kinumpirma ng Florida Agency for Health Care Administration na sa 49 na mga ospital doon ay wala ng available na ICU beds para sa mga severe cases ng COVID patients.

Sa Arizona, nito lamang nakalipas na magdamag nasa 147 na ang panibagong mga nasawi.

Halos 80 mga doctor ang umapela sa mayor sa naturang estado na ‘wag munang bubuksan ang klase hanggang buwan ng Oktubre.

Ang mayor ng Los Angeles ay nagpahiwatig na rin na muli silang magpapatupad ng lockdown.

Record breaking din ang isinugod sa ospital na umaabot sa 2,216 upang lampasan ang dating record na 2,193, noong July 15.

May panibago rin namang 11 katao ang pumanaw dahil pa rin sa COVID.

Sa nakalipas na 24 oras nasa 24,800 ang panibagong kaso na naitala sa Amerika mula sa 50 mga estado.