Hindi magpapadala ang Pilipinas ng mga barko ng Philippine Navy sa Panatag o Scarborough Shoal.
Ito ang nilinaw ni National Maritime Security Council (NMC) spokesperson USec. Alexander Lopez sa mga kawani ng media sa kabila pa ng pagdedeploy ng China ng kanilang Navy warship noong Agosto 11.
Paliwanag ni Usec. Lopez na ang ganitong aksyon ay maaaring ituring na “warlike” o maituturing na panggagatong sa tensyon.
Sinabi din ng opisyal na mananatili pa ring pangunahin sa mga operasyon ang mga sibilyang ahensya ng bansa tulad ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Ito ay alinsunod sa polisiya ng pamahalaan na umiwas sa anumang aksyong maaaring magdulot ng miscalculation o mas malalang tensyon.
Naninindigan din ang gobyerno na ang magiging tugon nito ay sa pamamagitan pa rin ng mapayapang solusyon.
Ipinaliwanag din niya na ang hindi pagpapadala ng barko ng Navy ay hindi kahinaan kundi isang maingat at praktikal na hakbang.
Samantala, tiniyak ni USec. Lopez na may contingency plan para sa anumang senaryo subalit, hindi na ito isiniwalat pa sa publiko para na rin sa seguridad.