-- Advertisements --

Umapela si Cavite Gov. Jonvic Remulla sa pamahalaan na payagan ang pagba-backride ng mga motorsiklo, bilang transportasyon sa lalawigan.

Ipinaabot ng gobernador ang panawagan sa Inter-Agency Task Force (IATF) sa pamamagitan ng isang Facebook post, dahil batid nito ang kalbaryo ng mga manggagawa papasok sa trabaho dahil sa general community quarantine.

“Mayroong humigit-kumulang 400,000 na motorsiklo ang tumatakbo sa mga lansangan. Ito ang pangunahing paraan ng transportasyon sa aming lugar kung saan karamihan ay middle-class.”

“Araw-araw, makikita mo silang paliko-liko sa kalsada, rumaragasa upang makarating sa gma pabrika at iba pang mga lugar na kanilang pinagta-trabahuan.”

Aminado si Remulla na malaki ang naging epekto ng malawakang quarantine sa sektor ng transportasyon ng lalawigan, partikular na sa mga driver at operator ng jeep, at tricycle.

“Ganito rin ang sinasapit ng ating mga bus driver. Tama lang naman pong sabihing pareho ang sitwasyon ng Cavite at ng ibang pang mga lugar sa ating bansa.”

Naiintindihan naman daw ng opisyal ang may basehan ang polisiya ng pamahalaan sa physical distancing, pero batid din nitong marami sa mga industriya at pabrika sa Cavite ang tumigil sa pagbibigay shuttle services mula nang ibaba na sa GCQ ang lalawigan.

“Ang nais ko po sanang idulog ay mapayagan ang backriding sa kaso ng mga mag-asawa at nagsasama. Sila po ay natutulog sa iisang kama. Kumakain sa iisang mesa. Naghahati sa iisang mangkok ng kanin at nagpapasa ng ulam nang naka-kamay.”

Handa raw ang local government ng Cavite na magbigay ng “couple pass” para maging gabay ng mga mag-asawa na lalabas at papasok ng checkpoints.

Ayon sa Department of Health, isa ang physical distancing sa minimum health standard na kailangan sundin ng publiko kahit lumuwag na ang quarantine measures.

Lumalabas kasi sa mga pag-aaral na naipapasa ang sakit na Coronavirus Disease 2019 sa pamamagitan ng close contact.