-- Advertisements --

Kumasa si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa panawagang mag-leave of absence kung kinakailangan sakaling simulan ang audit sa flood control projects na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ay matapos na ibunyag ng Pangulo sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) na may mga palpak at guni-guni lamang na flood control projects kasunod ng mga mapaminsalang mga pagbaha na matinding namerwisyo sa maraming lugar sa bansa.

Ginawa naman ni Sec. Bonoan ang naturang pahayag bilang tugon sa panawagan ni Bacolod Lone District Rep. Albee Benitez sa kaniya na mag-leave of absence habang gumugulong ang imbestigasyon.

Sinabi ng mambabatas na bilang delicadeza at para matulungang mapreserba ang integridad ng anumang imbestigasyon, hinihimok niya ang kalihim na mag-leave of absence. Ito ay daan din aniya para mabawi ang tiwala ng publiko at matiyak ang patas at mapagkakatiwalaang proseso.

Ayon kay Bonoan, bagamat wala siyang ideya kung sino ang magsasagawa ng audit, walang problema sa kaniya at handa siyang mag-leave. Aantayin din ng kalihim anuman ang magiging direktiba ng Pangulo.

Kumpiyansa din ang kalihim na wala silang itinatago sa presidente.

Ginawa ng kalihim ang pahayag sa sideline ng kaniyang pagdalo kasabay ng inilunsad na Bayanihan sa Estero Program sa Pasig City ngayong Sabado, Agosto 2.