Pinabulaanan ng Philippine Constitution Association (PilConsa) na mayroong katotohanan ang kumalat na dokumento o kanilang umano’y opisyal na pahayag hinggil sa isyu ng Impeachment.
Kung saan itinuring nila itong peke o gawagawa lamang matapos lumabas sa publiko kaugnay sa kanilang posisyon sa naganap na deklarasyon ng Korte Suprema nitong nakaraan.
Ayon sa pahayag ni retired Chief Justice at Philconsa Chair Reynato Puno, kanyang sinabi na pag-uusapan pa lamang nila ang magiging posisyon ng samahan ukol sa naturang isyu.
Ang peke kasing dokumento na kumalat online ay nagsasabing nababahala umano ang Philconsa sa naging ruling ng Supreme Court.
Nakasaad rin sa umano’y pekeng opisyal na pahayag ang paniniwalang lumagpas sa limitasyon, at ginambala ng Korte Suprema ang ‘separation of powers’ at ‘constitutional boundaries’ na nakapanghihina raw sa otoridad ng Kongreso na mapanagot ang mga tiwaling opisyal.
Kaya’t ng umabot ang kumalat na dokumentong ito sa Philconsa, agaran nila itong itinangging may katotohanan.
Bunsod nito’y kanilang pinayuhan ang publiko at maging ang mga miyembro ng media na iberipika muna ang impormasyon at sumangguni lamang sa opisyal nilang tanggapan.