Pumutok ang Bulkan ng Krasheninnikov sa Kamchatka Peninsula sa Russia, matapos ang 600 taon ayon sa mga siyentipiko.
Posible umano itong may kinalaman sa naitalang malakas na lindol na tumama sa silangang bahagi ng Russia noong nakaraang linggo, na nagdulot ng mga babala ng tsunami hanggang French Polynesia at Chile.
Sa isang ulat ng Russia state news agency, tinukoy ng Kamchatka Volcanic Eruption Response Team, na ito na ang kauna-unahang naitalang pagsabog ng Krasheninnikov Volcano sa loob ng 600 taon.
Sa pagtataya ng ahensya, huling namataan ang pagsabog ng bulkan noong 1463 pa, at simula noon ay wala nang naitalang aktibidad ng pagsabog ang nangyari.
Ayon sa Emergency Services ng Kamchatka, umabot sa 6 na kilometro ang taas ng ibinugang abo ng bulkan.
Itinaas na sa orange aviation alert ang bulkan, na nagpapahiwatig ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid dahil sa mga nagkalat na abo.
Patuloy ang pagmo-monitor ng mga awtoridad sa kalagayan ng bulkan at mga posibleng karagdagang mga seismic activity.