-- Advertisements --

Milyong mga evacuees ang nakabalik na sa kanilang mga tahanan matapos bawiin ang mga babala ng tsunami sa buong Pacific isang araw matapos tumama ang isang 8.8-magnitude na lindol sa baybayin ng Kamchatka peninsula sa Russia.

Nagdulot ito ng pansamantalang mass evacuation mula Japan hanggang Hawaii, Chile, at Ecuador, kung saan tinatayang aabot sa apat na metro ang posibleng taas ng alon.

Sa Japan, halos dalawang milyong katao ang inilikas, at pansamantalang in-evacuate rin ang Fukushima nuclear plant.

Isang babae naman sa Japan ang naiulat na nasawi matapos mahulog ang kanyang sasakyan sa bangin habang lumilikas. Sa Chile, higit 1.4 milyong katao ang inilikas sa tinawag ng gobyerno bilang pinakamalawak na evacuation sa kasaysayan nito. Wala namang naiulat na pinsala dulot ng Tsunami.

Sa Galápagos Islands, bahagyang pagtaas ng tubig-dagat lamang ang naitala at mabilis ding bumalik sa normal ang sitwasyon.

Samantala sa bahagi ng Severo-Kurilsk, Russia, naiulat ang pinakamalubhang pinsala kung saan binaha ng tsunami ang isang daungan at nilamon ng tubig ang pabrika sa lugar.

Naitala rin ang pagputok ng Klyuchevskoy volcano matapos ang lindol.

Ayon sa US Geological Survey, kabilang ang lindol sa 10 pinakamalalakas sa mundo mula noong 1900, at may 59% posibilidad ng aftershock na mas malakas sa magnitude 7 sa susunod na linggo.