-- Advertisements --

Nauwi sa second overtime ang rematch sa pagitan ng Oklahoma City Thunder at Indiana Pacers, dahil sa gitgitang depensa sa pagitan ng dalawang koponan.

Natapos ang regulation sa score na 113 matapos habulin ng Pacers ang 3-point 3rd quarter deficit sa huling quarter ng laban.

Pagpasok ng unang overtime, parehong naging gitgitan ang laban at ipinoste ng dalawang koponan ang tig-11 points sa buong 5-min extension, dahilan upang umabot sa ikalawang overtime.

Bagaman pinilit pa rin ng Pacers na tumbasan ang opensa ng Thunder sa ikalawang OT, hindi na ito nagawa ng eastern conference defending champion matapos buhatin ni Thunder star Shai Gilgeous-Alexander ang koponan at magbuhos ng 9 points.

Nagawa ng thunder na magpasok ng kabuuang 17 points sa 2nd OT habang tanging 11 points lamang ang naipasok ng Pacers matapos ma foul-out si Indiana shooter Bennedict Mathurin.

Sa kabuuan, kumamada si Shai ng 55 points, 8 rebounds, at limang assists.

Parehong double-double naman ang ginawa ng Pacers star na sina Paskal Siakam (32 points, 15 rebounds) at Bennedict Mathurin (36 points, 11 rebounds).

Ito na ang ikalawang overtime ngayong season sa NBA, kahit tatlong araw pa lamang nagsisimula ang 2025-2026 season.

Hawak ng defending champion na Thunder ang malinis na dalawang panalo habang ito naman ang unang laban ng Pacers.