-- Advertisements --

Manghihimasok na ang Malacañang sa problema ng maraming overseas Filipino workers (OFWs) na patuloy na nakatengga sa maraming quarantine hotels, facilities and vessels sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, bagama’t nasa hurisdiksyon ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pag-aasikaso sa concern na ito ng mga OFWs, pakikialaman na ito ng Malacañang dahil mismong si Pangulong Rodrigo duterte ay nababahala na rito.

Ayon kay Sec. Roque, gusto na ring malaman ng Malacañang kung ano ang ugat ng reklamo ng mga OFWs.

Sa reklamo ng mga OFWs, naisailalim na sila sa rapid test at polymerase chain reaction (PCR) tests at marami na rin sa kanila ang nabigyan ng certification ng Bureau of Quarantine pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila pinapayagang makauwi sa kani-kanilang pamilya.

Inihayag ni Sec. Roque na hihingin na niya sa OWWA ang imbentaryo ng mga OFWs na naisailalim sa rapid test at PCR test at sino-sino ang mga may resulta na para ang mga negatibo naman sa test ay agad nang mapauwi.