Pinakakasuhan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng tax evasion ang mga contractor na sangkot sa umano’y korapsyon sa flood control projects.
Ayon kay Cayetano, tumatagal ng maraming taon bago matapos ang mga kasong plunder o graft, ngunit maaari pa ring habulin ang mga tiwaling contractor sa aspeto ng buwis.
Giit pa ng senador, dapat iniimbestigahan at ina-audit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga contractor na tumatanggap ng bilyon-bilyong piso mula sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Aniya, sumulat na siya sa BIR para tanungin kung nag-isyu ang ahensya ng Letters of Authority (LOA) sa mga naturang kumpanya sa nakalipas na tatlong taon.
Ang LOA ay nagbibigay sa mga revenue officer ng kapangyarihan na suriin at i-audit ang mga books of accounts ng isang taxpayer upang matukoy ang kanilang tamang pananagutan sa buwis.
Dagdag niya, mahalaga ang estratehiyang ito upang hindi makalusot sa pananagutan ang mga nasa likod ng ghost projects kahit ma-delay o maharang ang mga kasong katiwalian.