Muling nabalot sa kontrobersiya si Quezon City 1st District Representative Arjo Atayde matapos lumabas ang mga larawan niya sa courtside ng isang PBA game noong Hulyo 9, 2025, kasama ang dating DPWH Bulacan district engineer na si Henry Alcantara, na kamakailan ay pinatalsik sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa mga substandard at ‘ghost’ flood control projects.
Kasama rin sa litrato sina Daniel Padilla at Zanjoe Marudo.
Si Alcantara ay iniimbestigahan dahil umano sa kickbacks para sa ilang mambabatas, pagtanggap ng “finder’s fee” mula sa mga kontratista, at pagsusugal ng milyon-milyon sa casino.
Maaalalang si Atayde ay isa sa 17 opisyal ng gobyerno na pinangalanan nina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya bilang mga umano’y humingi ng kickback mula sa kanilang mga proyekto mula pa noong 2022.
Samantala una nang itinanggi ni Atayde ang mga alegasyon at iginiit na wala siyang personal na kakilala mula sa mga kontraktor.
Gayunman, kumalat sa social media ang mga larawan niya kasama ang mga Discaya sa kanyang opisina at sa harapan ng flood control project ng Wawao Builders, isang kumpanyang nakaabang nang i-blacklist ng Malacañang.