-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co ang mga alegasyong ibinato sa kanya ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong kaugnay ng umano’y maanumalyang flood control projects.

Ayon kay Co, walang malinaw na detalye ang mga paratang ni Magalong, ngunit siya ay agad nang hinusgahan.

Kinuwestyon din niya ang pagiging patas ni Magalong kung ito ay isasama sa bubuuing independent commission na mag-iimbestiga sa isyu.

Giit ni Co, hindi magiging makatarungan ang imbestigasyon kung ang isang miyembro ng komisyon ay naglalabas na ng mga akusasyon sa media bago pa man ito magsimula.

Una nang isiniwalat ni Magalong na may mas mataas pang opisyal kay Co na sangkot sa mga maanumalyang flood control prtojects.

‘Ito nga, hirap na hirap silang banggitin pa yung mastermind nila diyan na si Zaldy Co. Hirap na hirap pa silang banggitin. For some reason, hindi ko rin alam kung bakit takot na takot..why is that they’re afraid to mention his name?’ ani Magalong sa isang Kaphihan sa Manila Hotel noong Setyembre 10.

”Hindi naman gagalaw ‘yun kung walang pahintulot yung mas mataas sa kanya,” dagdag pa ni Magalong. Nang tanungin naman ng media kung ito ba ay si Speaker Martin Romualdez sagot lang ng alkalde, ”Huwag ko muna sigurong sagutin ngayon.”

Tinuligsa rin ng grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang mga nangyayaring imbestigasyon sa kongreso na ayon kay VACC Preisdent Arsenio ‘Boy’ Evangelista, political agenda na lang umano ang nangyayari at kasabay ang paglito sa publiko.

‘Nakikita nga natin na selective. May political agenda pagdating sa Senate doon sa Blue Ribbon Committee, na witness naman natin ‘yan. Makikita natin dito kung sino ang kargado. Isa sa Kongres, isa sa Senado..In short dini-dribol nila ang mga tao [at] tayo na tax payer money,’ pahayag ni Evangelista.

Samantala, nilinaw ng kontrobersyal na kontratistang si Pacifico ”Curlee” Discaya na wala siyang direktang transaksyon kay Co o kay Speaker Martin Romualdez, kahit pa umano’y nababanggit ang kanilang pangalan ng ilang opisyal ng DPWH at politiko.

‘Gusto ko lang po linawin…kung ako raw ba ay may direktang transaction kay Zaldy Co at Kay Speaker [Martin Romualdez]..’wala po akong direktang transaction. Hindi po ako nagkaroon ng anumang transaction sa kanila,’ ani Curlee Discaya sa isang pagdinig sa House Committee on Infrastructure (INFRACOM).