-- Advertisements --

Isinusulong ni Senador Raffy Tulfo ang panukalang batas na magmamandato ng reimbursement sa travel expenses ng mga Pilipinong pasaherong na-offload o hindi pinasakay sa eroplano dahil sa hindi makatarungan at matagal na pre-departure procedures ng Bureau of Immigration. 

Inahain ni Tulfo ang Senate Bill No. 1657 o tatawaging “Passenger Protection and Reimbursement for Deferred Departure Act” kasunod ng mga natanggap na reklamo mula sa mga pasaherong na-offload dahil umano sa hindi pare-parehong pamantayan ng assessment at kawalan ng malinaw na paliwang mula sa BI. Layunin ng panukala na protektahan ang mga pasaherong mula sa dagdag na gastusing hindi nila kasalanan. 

Nakapaloob din sa panukala na isasapinal sa batas ang probisyon sa 2024 General Appropriations Act (GAA) na nagsasaad na ang travel expenses ng mga pasaherong na defer o na offload nang walang court order ay maaring ibawas sa Special Trust Fund Account ng Bureau of Immigration. 

Nilinaw naman sa panukala na hindi saklaw ng reimbursement ang mga pasarehong kulang o walang wastong travel documents, may umiiral na court order, gumamit ng peke o pinekeng dokumento, at mga nakitang posibleng biktima ng human trafficking o sangkot sa illegal recruitment. 

Samantala, itatakda rin sa panukala na ang Bureau of Immigration, sa pamamagitan ng international Port of Entry and Exit Management Office (IPEE-MO) ang tatanggap at magsusuri ng mga claim para sa reimbursement bago isumete sa Department of Justice-Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa pinal na pagdedesisyon.