Nanawagan si Senate Committee on Finance ChairnanWin Gatchalian sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na paigtingin ang kanilang online information at awareness campaign laban sa human trafficking, lalo na sa mga kabataang Pilipinong nagiging biktima ng pekeng alok ng trabaho sa ibang bansa.
Sa pagdinig ng panukalang 2026 budget ng Department of Justice (DOJ), hiniling ni Gatchalian sa Inter-Agency Council Against Trafficking na ipaliwanag kung paano makatutulong ang pagtaas ng kanilang pondo upang mapababa ang bilang ng mga kaso ng human trafficking sa bansa.
Ayon kay IACAT Executive Director Atty. Hannah Lizette Manalili, umaasa sa kanilang tanggapan ang iba’t ibang ahensya tulad ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration upang mapalakas ang kanilang operasyon laban sa human trafficking.
Ipinaliwanag ni Manalili na ang cyber tip operations monitoring division ng IACAT ay nagsasagawa ng online surveillance hindi lamang sa mga kaso ng sexual abuse o exploitation ng mga bata, kundi pati na rin sa mga pekeng job advertisements, ilegal na pag-aampon, at pagbebenta ng sanggol.
Umaasa naman si Gatchalian na sa tulong ng mas mataas na pondo, mas mapalalawak pa ng IACAT ang paggamit ng mga digital platform upang mas maabot ang publiko at mapigilan ang human trafficking.