-- Advertisements --

Iniutos ni Committe on Public Service Chairperson Sen. Raffy Tulfo na ipa-subpoena ang lahat ng mga financial statements ng water service provider na Prime Water at maging ng dalawa pang water provider na siyang pinakamalaking supplier ng tubig sa ilang bahagi ng bansa gaya ng Cavite at Bulacan.

Layon nito na tignan ang mga loans at kung gaano kalaki ang nagatos ng mga naturang water service providers para buuin ang mga proyekto sa ilalim ng kanilang mga joint-venture agreements kasama ang mga water districts na nakakaranas ng mga water interruption.

Ayon kasi sa Prime Water, higit sa P22 billion lamang ang kabuuang loans na ginamit para pondohan ang mga naturang joint ventures sa mga water districts na ito.

Ayon kay Tulfo, posibleng itinatago lamang ng naturang Prime Water ang totoong halaga ng mga loans sa iba’t ibang ahensya at kung hindi aniya tumalima sa utos ng komite ang Prime Water ay posibleng ipakulong ang direktor nito.

Kasunod nito ay kinwestiyon naman ni Tulfo ang Department of Heath (DOH) matapos na hayaan ang Prime Water na magsagawa ng sarili nilang inspeksyon at quality testing na dapat aniyang trabaho ng naturang ahensya.

Aniya, hindi na dapat pang utusan at maghintay ng direktiba mula sa mga water district ang DOH para magkasa ng sarili nilang imbestigasyon lalo na kung posible itong makaapekto sa kalusugan ng mga mamamayang pilipino.

Ito ang dahilan kaya agad na iniutos ni Tulfo na tanggalan ng accreditation ang DOH accredited laboratory na nagsagawa ng examination sa tubig ng Prime Water at na siyang pinalabas na pumasa sa quality testing.

Samantala, inaasahan naman na sa susunod na pagdinig ay susunod at makakapagbigay ng kabuuang financial statements ang Prime Water at ang dalawang iba pa habang sasailalim naman sa konsultasyon ang lahat ng rekomendasyon sa naging pagdinig na ito.