Tiniyak ng Palasyo ang pagbibigay ng ‘due process’ sa PrimeWater sa gitna ng imbestigasyon sa mga reklamo kaugnay ng umano’y hindi maayos na serbisyo ng kompanya sa ilang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na patuloy ang imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA) hinggil sa mga reklamo, at anumang suporta mula sa iba’t ibang sektor ay ikinokonsiderang patunay na seryoso ang administrasyon sa pagtugon sa isyu.
Ginawa ni Castro ang pahayag kasunod ng pormal na reklamong inihain ng grupong Bayan Muna na nananawagang ipawalang-bisa ang lahat ng joint venture agreements (JVA) ng PrimeWater sa mga local water districts.
Sa tanong ng media kung bukas ang Palasyo sa panawagang ito, iginiit ni Castro na ang Pangulo at ang administrasyon ay naniniwala sa ‘due process’ at kontra aniya ito sa ideyang ‘cut the process.’
Ayon pa kay Castro, tinatayang nasa 16 milyong katao ang apektado ng umano’y palpak na serbisyo ng PrimeWater, dahilan upang agad itong aksyunan.
Gayunman, iginiit ni Castro na hindi maaaring basta-basta maglabas ng desisyon nang walang sapat na batayan.