Nagsagawa ng rally ang ilang mga mamamayan ng San Jose del Monte, Bulacan laban sa di-umano’y hindi maayos na serbisyo ng PrimeWater, ang private concessionaire na una nang pinapa-imbestigahan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. dahil sa umano’y mga serye ng reklamo mula sa mga water consumer.
Isinagawa ang rally sa harapan ng isang malaking mall sa EDSA Shaw Boulevard ngayong araw, Mayo-6.
Isa sa mga panawagan ng mga residente ay ang agarang pagbasura sa kasalukuyang joint venture agreement sa pagitan ng PrimeWater Infrastructure Corp. at San Jose del Monte City Water District.
Giit ng mga ito na nabigo ang private water concessionaire na ihatid ang maayos at kinakailangang serbisyo ng tubig sa mga residente.
Kasabay nito ay hinihiling din ng mga residente na gawing accessible sa lahat ang serbisyong patubig at hindi lamang i-asa sa mga pribadong kumpaniya.