Nagpaliwanag ang Department of Education (DepEd) sa dahilan kung bakit hindi nila mapagbigyan ang mga apela na taasan ang pondong nakalaan para sa kanilang mga kawani bilang reimbursement para sa kanilang communication expenses.

Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na talagang kulang ang P300 kada buwan para bayaran ang communication expenses ng mga guro at personnel na nasa ilalim ng alternative working arrangement kasabay ng implementasyon ng distance learning.

“In as much as the Department would want to reimburse their communication expenses for a higher amount, the Department has its limitations, both in the funding cover and legal basis,” saad ng DepEd.

“The amount of P300 per month was identified based on the cost estimates per available 2020 funds,” paliwanag nito.

Wala pa rin aniya silang natatanggap na tugon kaugnay sa request nila sa Department of Budget and Management na magbigay ng communication allowance sa kanilang personnel.

Pahayag ito ng kagawaran kasunod ng mga reklamo mula sa mga guro tungkol sa kakarampot na halaga ng reimbursement, maging sa masalimuot na prosesong kailangang daanan para lamang makuha ang refund.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 38 na inisyu noong nakalipas na taon, maaaring mag-claim ng reimbursement ang isang DepEd personnel na nagkakahalaga ng P300 kada buwan para sa mga communication expenses na ginastos mula Marso hanggang Disyembre 2020.