Ibinunyag ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ang umano’y presensiya ng mga contractor sa regional at provincial office ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Tinukoy ni Leviste ang mga nakuha nitong impormasyon na umano’y pagpasok ng mga contractor sa mga lower office at units ng DPWH dahil sa mas marami ang mga namamahala sa mga ito.
Kabilang dito ang umano’y contractor at nakakakuha ng government contracts sa kabila ng kanilang pagsisilbi bilang opisyal ng DPWH.
Ang iba sa kanila aniya ay nasa matataas na posisyon sa regional at provincial office na posibleng pinapakinabangan din ang kapangyarihan ng kanilang opisina.
Kung babalikan ang mga naunang congressional hearings ukol sa flood control scandal, nabunyag ang umano’y mga DPWH offical na nagmamanipula sa bidding process para lamang mapunta sa mga pinapaburang contractor ang kontrata ng isang public infrastructure project.
Ayon kay Leviste, kailangan itong mabantayan upang maiwasan ang kuntsabahan sa pagitan ng mga contractor at DPWH officials na nagreresulta sa mababang kalidad na proyekto o kung minsan ay ghost projects.