Walang nakitang sapat na merito ang Senate Electoral Tribunal (SET) sa mga inihaing quo warranto petitions laban sa pagkakaproklama kay Sen. Aquilino “Koko” Martin Pimentel III noong 2019 senatorial race.

Giit kasi ng petitioners na sina Reymar Mansilungan at Efren Adan, nagamit na ni Pimentel ang dalawang term limit para sa mga miyembro ng mataas na kapulungan ng Kongreso.

Pero sa 16 na pahinang desisyon ng SET, sinabi ng mga miyembro ng tribunal na hindi nabuo ni Pimentel ang terminong nakuha nito nang magbigay-daan si Sen. Juan Miguel Zubiri dahil sa ilang isyung lumutang ukol sa naging takbo ng 2007 national elections.

Una na ring pinagbigyan ng Commission on Elections (Comelec) ang mambabatas para makatakbo sa panibagong termino noong 2019 polls.

Sa kasalukuyan, pinamumunuan ni Supreme Court Senior Associate Justice Estela Perlas-Bernabe ang SET, kung saan kasapi naman sina Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, Associate Justice Alexander Gesmundo, Sen. Nancy Binay, Sen. Pia Cayetano, Sen. Franklin Drilon, Sen. Richard Gordon, Sen. Lito Lapid at Sen. Manny Pacquiao.