-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na kanilang patuloy na sinusuri ang ilan pang mga impormasyon na nag-uugnay sa pagkawala ng mga sabungero sa naganap na ‘war on drugs’.

Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kasalukuyan nilang masusing pinag-aaralan ang mga detalyeng nakakalap hinggil sa koneksyon ng drug war.

Bagama’t una niyang inamin at ibinahagi na ang pagkakaugnay sa dalawa, kanyang iginiit na kinakailangan pa nilang imbestigahan ito ng maiigi.

Aniya’y sa kabila ng natuklasang tinawatawag na ‘intersection’ sa pagitan ng dalawang isyu, kanilang sinusuri na rin ang naganap noong mga nakalipas na taon bukod pa sa pagkawala ng mga sabungero.

Buhat nito’y maalala din na nitong nakaraan lamang ay kanyang ibinunyag ang dalawang naarestong indibidwal sa Meycauayan, Bulacan sangkot sa illegal na droga.

Kung saan iniuugnay ang kaso nito sa isyu ng pagkawala ng mga sabungero na konektado sa e-sabong.

Naniniwala kasi ang naturang kalihim na maging ang tinatawag din umano na ‘death squad’ noong kasagsagan ng drug war ay kaparehong grupo din na siyang nasa likod ng mga biglaang pagkawala.

Dagdag pa ni Justice Secretary Remulla, base sa imbestigasyon, nasasangkot rin daw dito ang ilang opisyal na kanya namang hindi muna pinangalanan o miski inilarawan.

Kaya’t dahil dito’y pagtitiyak ni Justice Secretary Remulla na kanilang hindi pinababayaan ang imbestigasyon hinggil sa pagkawala ng mga sabungero.

Lalo pa’t hindi na lamang aniya ito patungkol sa 34 na biktima kundi aniya’y isinasama na rin ang ilan pang mga posibleng biktima ng ‘disappearances’ sa mga nakalipas na taon.

Ngunit kanyang sinabi na ito’y hindi maaring madaliin sapagkat may sistematikong pamamaraan raw ng pag-iimbestiga ang kanilang sinusunod hinggil isinasagawang ‘case buildup’ ng kagawaran.