-- Advertisements --

Umani ngayon ng mga positibong reaksyon at ikinatuwa ng ilang mga kalapit na probinsya ang pagiging bukas na ng Cebu sa mga hog traders.

Sa social media post ni Negros Oriental Gov. Chaco Sagarbarria, nagpasalamat ito sa naging hakbang ni Baricuatro kung saan positibo din ang naging komento ng mga netizens.

Epektibo kasi noong Huwebes, Hulyo 3, tinanggal na ni Cebu Gov. Pamela Baricuatro ang mga restrictions na ipinataw ng nakaraang administrasyon sa pagpasok ng livestock at by-products nito mula sa labas ng lalawigan dahil sa banta ng African Swine Fever.

Layon pa ng naturang kautusan na pababain ang patuloy na tumataas na presyo ng karneng baboy sa mga merkado dito.

Sa kabila nito, nananatili pa ring mandatory ang biosecurity measures kabilang ang valid Veterinary Health certificate, aprubadong shipping permit at meat inspection certificates.

Samantala, sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Jisella Wian 36 anyos at isang meat vendor, sinabi nito na mas maganda umanong madami ang suplay ng baboy dito para magiging mura na rin para sa mga maimili.

Aniya, umabot sa P390 ang presyo ng karneng baboy kada kilo kung ikukumpara dati na nasa P290-300 per kilo nito.

Ayon naman kay Alyas “Enzo,” malaki ang epekto ng naturang kautusan dahil madalas pa ay kulang ang kanilang suplay na ibinibenta kaya may panahon na nililimitahan lang din nila ito.

Dagdag pa niya na may mga araw na kakaunti ang display ng karneng baboy sa kanilang tindahan dahil na rin sa kakaunting mga farm na pinagkukunan ng suplay nitong lalawigan.

Sa panig naman ng isang Lechon Vendor na si Jeff Love, binanggit nito na malaki ang pinagkaiba ng presyo sa mga nakaraang buwan kung ikukumpara ngayon.

Aniya, mahal ang kanilang angkat sa mga baboy ngunit mapipilitan nalang sila para may maidisplay.

Aniya, umabot sa 900 hanggang 1,200 na presyo kada kilo ng lechon baboy kumpara sa kilo ng mga nakaraang buwan na nasa P850 kilo lamang.

Ikinatuwa naman ng mga ito ang pagiging bukas ng Cebu sa mga hog raisers dahil anila, malaking bagay umano ang pagbaba ng presyo nito na resulta sa pagdami din ng mga mamimili lalong-lalo na sa kanilang kikitain sa pagtitinda ng hilaw at karneng baboy.